Primer sa 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra
(Bahagi ng 2001 Revisyon ng Alfabeto
at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino)
Unang Bahagi
Ang Kaligiran sa Pagbalangkas
Ng 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit
Ng Walong Dagdag na Letra
1. Ano itong 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra?
Ang 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra ay revisyon ng tuntunin sa paggamit ng walong dagdag na letra—C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z—na nakapaloob sa 1987 Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino na binuo ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas. Ang ibang mga tuntunin sa ispeling sa Patnubay ay hindi binago nang ganap.
Lubhang nagging masalimuot ang pagpasok ng walong dagdag na letra sa alfabeto ng Wikang Filipino. Kaya masusi itong pinag-aralan at pinagtuonan sa 2001 Revisyon ng Alfabeto at Tuntunin sa Ispeling ng Wikang Filipino ng Komisyon sa Wikang Filipino.
2. Bakit kailangang baguhin ang tuntunin sa paggamit ng walong dagdag na letra sa 1987 Patnubay sa Ispeling?
Kinikilalang ang mga tuntunin sa paggamit ng walong dagdag na letra sa 1987 Patnubay sa Ispeling ay napakahigpit para tumugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipinong may kakayahan kapwa sa katutubo at banyagang wika, at palit-palit na gumagamit ng mga wikang ito.
3. Bakit sinasabing mahigpit ang tuntunin sa paggamit ng walong dagdag na letra sa 1987 Patnubay sa Ispeling?
Sa 1987 Patnubay sa Ispeling, ang paggamit ng walong dagdag na letra sa mga salita at ekspresyong hinihiram ay nababatay lamang sa mga sumusunod na kondisyon:
· Pantanging ngalan
· Salitang katutubo mula sa ibang wika sa Pilipinas
· Salitang hindi konsistent ang ispeling o malayo ang ispeling sa bigkas, na kapag binaybay ayon sa alfabetong Filipino ay hindi mabakas ang orihinal na ispeling nito
· Salitang pang-agham at teknikal
· Simbolong pang-agham
Mapapansing nililimita ng mga kondisyong nabanggit ang paggamit na walong dagdag na letra sa mga salitang bahagi ng formal o teknikal na varayti o ang tinatawag na karaniwang salita, binabaybay ang mga salitang ito gamit ang 20-letrang abakada.
4. Ano ang hindi naisasaalang-alang ng paghihigpit na ito sa 1987 Patnubay sa Ispeling tungkol sa linggwistikong karanasan ng mga Pilipino?
Isang linggwistikong realidad ang malawakang panghihiram nga salita, lalo sa Ingles. Ang mga Pilipino ay naglilipat-wika at malawakang nanghihiram anuman ang antas ng formalidad sa paggamit ng wika, pasalita man o pasulat.
5. Ano ang naging resulta ng kahigpitang ito ng 1987 Patnubay sa Ispeling?
May mga sumunod at hindi sumunod sa 1987 Patnubay sa Ispeling. Ibinunga ng ganitong sitwasyon ang paglitaw ng iba’t ibang sistema ng ispeling na binuo ng mga institusyong pang-akademya at pampublikasyon. Sa madaking salita, walang umiiral ngayong isang istandardisadong sistema ng ispeling.
Ikalawang Bahagi
Pagpapakilala sa 2001 Mga Tiyak na Tuntunin
sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra
1. Sa pangkalahatan, ano ang layunin ng 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra?
Layunin ng 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra na makabuo ng mga tuntunin sa ispeling na gagabay sa panghihiram ng mga salita sa pagsasalin ng pasalitang wika tungo sa nakasulat na anyo. Ang proyektong ito, kung gayon, ay mag-aambag sa istandardisasyon at elaborasyon ng pambansang wika.
2. Ano ang batayan sa pagbalangkas ng 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra?
Apat na mahalagang salik ang naging batayan: linggwistiko, sosyo-politiko, sikolohiko, at pedagohiko upang matamo ang mga prinsipyo ng simplisidad, ekonomiya at fleksibilidad. Isinaalang-alang din ang pedagohikong salik para maisulong ang literasi sa bansa. Ang mga desisyon ay produkto ng mga pagkonsulta at pagbuo ng konsensus.
3. Anong pangunahing linggwistikong prinsipyo ang isinaalang-alang sa pagbabalangkas ng 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra?
Upang matamo ang isang efisyenteng sistema ng tuntunin sa ispeling, may dalawang mahalagang batayan: simplisidad at ekonomiya, at fleksibilidad.
Tinutukoy ng simplisidad at ekonomiya ang isa-sa-isang tumbasan ng tunog at letra. Katangian na ito ng umiiral na sistema ng fonemik na ispeling sa Filipino. Hindi dapat masira ang katangiang ito.
Tinutukoy naman ng fleksibilidad ang kakayahan ng wika na tumanggap ng mga linggwistikong pagbabago bunga ng kontak ng mga wika. Palalakasin ang katangiang ito sa bagong tuntunin dahil pinaluluwag ang pagpasok ng mga elemento mula sa ibang wika nang hindi isinasakripisyo ang simplisidad ng sistema ng ispeling.
4. Paano binalangkas ang 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra?
Hakbang-hakbang, konsultativ, at konsensuwal na binuo ang mga tuntunin sa loob ng halos dalawang taon, mula kalahatian ng taong 1999 hanggang Agosto 2001.
Ikatlong Bahagi
Ang 2001 Mga Tiyak na Tuntunin
sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra
ng Alfabetong Filipino
1. Ano ang ginawang pagbabago sa tuntunin sa gamit ng walong dagdag na letra?
Pinaluluwag ang paggamit ng walong dagdag na letra. Ibig sabihin, ipinagagamit na rin ang mga ito sa ispeling ng lahat na hiram na salita anuman ang varayti nito kasama ang hindi formal at hindi teknikal na varayti, o iyong tinatawag na karaniwang salita.
2. Ano ang mangyayari sa mga hiram na salita na dati nang binago ang ispeling o umangkop na sa orihinal na sistema ng ispeling sa Filipino?
Ang mga hiram na salita na naglalaman ng alinman sa walong karagdagang letra na nabago ang ispeling ayon sa umiiral na sistema ng pagsulat sa Filipino at umangkop na sa wika ay mananatili. Ituturing ang mga ito na mga salitang may ibang baybay or lehitimong mga varyant ng ispeling.
Sa pagdaraan ng mga taon, ang mahigpit na pagsunod sa mga bagong tuntunin sa paggamit ng walong dagdag na letra ay inaasahang higit na pipiliin. Ang mga naunang paraan ng pagbabaybay gamit ang walong letra ay magiging makaluma (archaic), hindi karaniwan o diyalektal.
3. Ang katutubong sistema ng pagsulat ay sumusunod sa prinsipyong “kung ano ang bigkas, siyang baybay.” Hindi kaya sirain ng pagpapagamit ng walong dagdag na letra sa pagbaybay ng karaniwang salita ang fonemik na katangian at kalakasan ng ating sistema ng pagsulat?
Hindi. Dahil ang mga letrang may katumbas na tunog o may fonemik na istatus lamang ang gagamitin sa pagbaybay ng mga karaniwang salitang hiram, mananatili ang fonemik na katangian ng ating sistema ng pagsulat.
Mahahati sa dalawang grupo ang walong dagdag na letra: ang mga letrang F, J, V at Z na may tiyak na fonemik na istatus, at ang mga letrang C, Ñ, Q at X na itinuturing na redandant.
Ang mga letrang F, J, V at Z lamang ang gagamitin sa pagbaybay ng mga karaniwang salitang hiram na binago ang ispeling sa Filipino. Ang apat na nabanggit na letra ay may tiyak na fonemik na istatus sa palatunugang Ingles. Ibig sabihin, may iisang kinakatawang tunog ang mga letrang ito.
4. Bakit itinuturing na redandant at hindi ipinagagamit ang natitirang apat na letra—C, Ñ, Q, X—sa pagbaybay ng mga hiram na salitang itinuturing na karaniwan? Ano ang kaibahan nito sa mga letrang F, J, V, at Z?
Ang mga letrang C, Ñ, Q, X ay itinuturing na redandant. Ibig sabihin, hindi kumakatawan ang mga ito sa iisa at tiyak na yunit ng tunog sa palatunugang Ingles, kundi nakakatunog ng isa pang letra o sunuran ng mga letra.
Ang letrang C ay nakakatulad ng letrang S sa pagkatawan nito so fonemang /s/ at nakakatulad ng letrang K sa pagkatawan ng fonemang /k/ depende sa mga tunog na nakapaligid dito. Halimbawa: central→sentral; cabinet→kabinet.
Ang Kastilang letrang Ñ ay hindi kumakatawan sa isang tunog, kundi sa sunuran ng mga tunog na /ny/. Halimbawa: baño→banyo.
Ang letrang Q ay kumakatawan naman sa tunog /k/ o sunuran ng mga tunog /kw/. Halimbawa: queso→keso; quintuplet→kwintuplet.
Panghuli, ang letrang X ay kumakatawan sa sunuran ng mga tunog /ks/. Halimbawa: extra→ekstra.
Nilalabag ng mga letrang ito ang isa-sa-isang tumbasan ng tunog at letra. Kung gayon, ang paggamit ng mga letrang ito sa pagbaybay ng mga hiram na karaniwang salita ay makasisira sa prinsipyo ng simplisidad at ekonomiya ng isang efisyenteng sistema ng pagsulat.
5. Kung gayon, kailan na lamang gagamitin ang mga letrang C, Ñ, Q, X?
Gagamitin ang mga letrang C, Ñ, Q, X kapag ang hiram na salitang naglalaman ng letra ay binabaybay nang buo ayon sa orihinal nitong anyo
Ang salita ay hinihiram sa orihinal nitong anyo alinsunod sa mga sumusunod na kondisyon:
· Ang salita ay isang pangngalang pantangi—pangalan ng tao, lugar, pangyayari, o bagay;
· Ang salita ay teknikal o siyentifiko;
· Ang salita ay may natatanging kahulugang kultural;
· Ang salita ay may iregular na ispeling, ibig sabihin, gumagamit ng dalawa o higit pang letrang hindi binibigkas. Halimbawa: bouquet;
· Ang salita ay may internasyonal na anyong nakikilala at ginagamit. Halimbawa: taxi
6. Sa pangkalahatan, nasusunod ba ng mga tuntunin sa gamit ng walong dagdag na letra ang mga prinsipyo sa pagtatamo ng isang efisyenteng sistema ng ispeling?
Oo, nasusunod ng 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra ang mga prinsipyo ng simplisidad at ekonomiya, at fleksibilidad.
Hindi nasisira ng mga tuntunin ang isa-sa-isang tumbasan ng tunog at letra na katangian ng umiiral na sistema ng fonemik na ispeling sa Filipino. Ang mga letrang F, J, V, Z lamang na may tiyak na fonemik na istatus ang gagamitin sa ispeling ng mga karaniwang salitang hiram.
Napalalakas din ng mga tuntunin ang fleksibilidad ng ispeling, o ang kakayahan ng wika na tumanggap ng mga linggwitikong pagbabago bunga ng kontak ng mga wika dahil pinaluluwag nito ang pagpasok ng mga elemento mula sa ibang wika, formal o teknikal na varayti man ito, o karaniwang salita.
Ikaapat ng Bahagi
Ang Hinaharap ng Wikang Filipino Sa 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Paggamit Ng Walong Dagdag na Letra
1. Ano-ano ang inaasahang resulta ng paggamit ng 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra?
Ang nagkakaisa at malawakang paggamit ng 2001 Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra ay inaasahang magreresulta sa mga sumusunod:
· Istandardisasyon ng Wikang Filipino
Sa paglilipat ng oral o pasalitang wika tungo sa anyong pasulat, natatamo ang uniformidad o kodifikasyon ng wika. Napaliliit ang dami ng pagkakaiba-iba o paglihis sa tuntuning pangwika. Sa gayon, nalilinang ang norm o pamantayan ng iba’t ibang komponent kaya napatatatag ang pagbigkas, vokabularyo, at istruktura ng wika. Sa huling bahagi ng pag-unlad ng wika, maaaring makadevelop ng mga bagong anyo ng diskors at varayti tulad ng formal, akademiko, o teknikal na varayti.
· Modernisasyon at leksikal na elaborasyon ng Wikang Filipino
Mapabibilis ang modernisasyon ng pambansang wika, at kasabay nito, ang modernisasyon ng ating kultura at buhay. Sa pagbubukas ng Filipino sa ibang wika (pagsunod sa prinsipyo ng simplisidad at ekonomiya, lalawak ang bilang ng mga salitang Filipino. Sa gayong, mapadadali ang pagsasalin sa wikang Filipino at pagsasalin ng wikang ito sa iba pang ganap nang develop na wika sa mundo.
· Pangmadlang literasi
Ang pagbasa ay nagiging natural at awtomatiko sapagkat malinaw ang isa-sa-isang tumbasan ng tunog at letra sa alfabeto ng wikang Filipino. Gayundin, magagamit ang internasyonal na pagkakilala ng mga salita para sa higit na mataas na level ng pagbabasa tulad ng iskiming at iskaning. Lalo pang uunlad ang pangmadlang literasi dahil napadadali ang pagkatutong bumasa at sumulat.
6 Comments:
pls. summarize i will check it tom. cause we had a assign. and i cant summarize cause it is too long , tnx. i am a 1st year stdnt.
thanks for the info, guys! (who wrote this)
The content is just the same with the content in our book, Komunikasyon sa Akademikong Filipino
please.. do summarize the "tuntunin sa paggamit ng F, J, V, Z" thanks..
If you read the chapter, "Towards the Standardization of the Filipino Writing System: Spelling Rules and Guidelines on the Use of the Eight New Letters of the Filipino Alphabet" (or
"Tungo sa Istandardisasyon ng Sistema ng Pagsulat sa Filipino: Mga Tuntunin at Patnubay sa Paggamit ng Walong Bagong Letra ng Alfabetong Filipino"), you'd find the answer to your inquiry there.
plzzzz....,,summarize naman pho kasi ang hirap basahin ng mga infos...i'll gonna check that out pho ha?!!!..,,
Post a Comment
<< Home