Friday, July 21, 2006

Tungo sa Istandardisasyon ng Sistema ng Pagsulat sa Filipino: Mga Tuntunin at Patnubay sa Paggamit ng Walong Bagong Letra ng Alfabetong Filipino

(Ito ay pinaikling bersiyon ng orihinal na ulat na iniharap sa mga Konsultativong Kumperensiya at Worksyap kasama ng mga iskolar at manunulat sa Filipino bilang mga kalahok.)

Ang proyektong ito ay bahagi ng programa sa pagpaplano ng pambansang wika ng Komisyon sa Wikang Filipino na sadyang may kinalaman sa istandardisasyon ng sistema ng pagsulat sa Filipino, ang pambansang wika. Inaasahang ang final na awtput ng proyektong ito ay isang set ng mga rekomendasyon at mga tuntunin sa ispeling na gagabay sa panghihiram ng mga salita at pagsasalin sa nakasulat na wika. Nag-aambag ito, kung gayon, sa istandardisasyon at intelektuwalisasyon ng ating pambansang wika sa pamamagitan ng pagpapayaman ng vokabularyo.

Kinikilalang mahalaga ang patuloy na pagreporma sa ispeling para paunlarin ang sistema ng pagsulat upang matamo ang malawakang layunin ng istandardisasyon at intelektuwalisasyon ng Filipino. Ito ay dahil sa may makapangyarihang impluwensia ang paglilipat ng oral na wika patungo sa anyong nakasulat sa pagkakaroon ng uniformidad ng wika. Sa mga panimulang yugto ng development at istandardisasyon ng wika, kailangang-kailangan ang uniformidad o kodifikasyon. Sa yugtong ito, dinidevelop and mga norm o pamantayan sa iba’t ibang lingguwistikong komponent, kaya napatatatag ang pagbigkas, vokabularyo at panggramatikang estruktura ng wika.

Kaligiran at Paglalahad ng mga Layunin

Kinikilalang nakapagpapalito ang kakulangan ng isang sistema ng istandardisadong ispeling sa karamihan ng gumagamit ng Filipino sa proseso ng pagsulat at pagbasa ng wika. Kapansin-pansin ito kapag nahaharap ang mambabasa sa maraming spelling variants o pagkakaiba-iba ng ispeling sa mga pahina ng pahayagan, aklat at iba pang limbag na materyal, gayundin sa mga manuskritong isinulat ng mga awtor, guro at estudyante sa kanilang pang-araw-araw na gamit at pag-aaral ng wika sa klasrum.

May seryong implikasyon ang kakulangan ng isang istandardisadong sistema ng pagsulat sa pagpapabagal ng isang napakahalagang proseso sa pagpaplano ng wika—ang paglilipat ng wika sa nakasulat nitong anyo. Pinigil nito ang development ng nakasulat na akda at panitikang Filipino na sumasalamin sa kultura at mga tradisyon ng bayan, at siyang nagpapahayag ng pinakadakila nating kaisipan at mithiin. Bukod sa paglilimita sa orihinal na malikhaing akda sa Filipino, nalimitahan din ang pagsasalin ng mga pandaigdigang klasiko. Natural na pinabagal nito ang uniformidad na nagpapadali sa pagkakaunawaan.

Nag-aambag din ang isang istandardisadong sistema ng pagsulat upang mula sa mga diyalektal na varyant ay magkaroon ng mga tanggap na pamantayan. Inaampon ng mas malawak na komunidad ng mga tagapagsalita ang mga pamantayang ito, kaya napalalaganap at naitataguyod ang isang lingua franca. Ang lingua franca na ito naman ang nagiging nukleyo ng isang istandardisadong pambansang wika.

Upang tugunan ang pangangailangang ito ng patuloy na development o istandardisasyon ng sistema ng pagsulat sa Filipino, nakatuon ang proyektong ito sa pagbabago sa implementasyon ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 81, s. 1987 na nagtakda ng pagdaragdag ng walong bagong letra sa orihinal na 20-letrang ABAKADA ng Filipino.

Itinuturing na mahalagang hakbang ang pagpapatupad ng Kautusang Pangkagawarang ito tungo sa pagsulong ng mas dinamikong development ng wika. Itinataguyod nito and leksikal na pagpapayaman ng Filipino sa pamamagitan ng pagluluwag sa panghihiram ng salita at pagsasalin, karamihan mula sa Ingles at Kastila, gamit ang walong karagdagang letra ng alfabeto, ang mga letrang C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z.

Ngunit hindi ganap na naipatupad ang Kautusang Pangkagawaran. Pinuna na ang mga tuntunin sa ispeling na ipinalabas ng Surian ng Wikang Pambansa ay napakahigpit at di-makatotohanan dahil ang paggamit ng walong bagong letra ay nililimita lamang sa mga hiram na salitang maibibilang sa alinman sa mga sumusunod na kategorya: pangngalang pantangi, teknikal na terminolohiya at mga salitang may natatanging pangkulturang kahulugan. Itinakda pa na kung ang mga hiram na salita ay nabibilang sa pang-araw-araw, kumbersasyonal na varayti o ang tinatawag na “karaniwang salita ,” dapat gamitin ang orihinal na 20-letrang ABAKADA.

Tinanggihan ang mga tuntuning ito dahil sinasabing binabalewala nito ang kalikasan ng paggamit ng wika sa bilingguwal na konteksto sa Pilipinas kung saan malawakang ginagamit ang Ingles bilang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng Pilipino. Dahil nagiging pangalawang wika ang Ingles, ang karaniwang Pilipino ay nagpapalit-wika (code switching) at malayang nanghihiram mulang Ingles patungong Filipino, gayundin ang kabaligtarang daloy nito, kapwa sa pasulat o pasalitang wika anuman ang antas ng formalidad ng situwasyon ng komunikasyon at ng katapat na varayti ng wikang ginagamit. Nanghihiram ng mga salita mula sa ibang wika sa iba’t ibang dahilan tulad ng katiyakan, prestihiyo, formalidad o rapport, at iba pang sosyolingguwistikong kadahilanan. Maaaring sipiin si Fortunato nang sabihin niyang:

Kulang ang kasapatan ng tuntunin para mapapasok ang karaniwang terminong ginagamit sa pag-Filipino natin pasalita o pasulat.

Kabilang sa maraming institusyong pang-edukasyon at grupong profesyonal na naglabas ng kanilang handbuk sa ispeling, lalo na sa reporma sa ispeling na itinakda sa Kautusang Pangkagawaran Blg. 81, s. 1987 ay ang: De La Salle University; Universidad ng Pilipinas—ang Sentro ng Wikang Filipino at Department of Linguistics, na may tig-isang set ng tuntunin sa ispeling; SANGFIL (Samahan ng mga Departamento ng Filipino), kasama pa ang ilang indibiduwal na awtor na nagdisenyo ng sarili nilang sistema ng ispeling.

Lumala ang problema dahil sa patuloy na paggamit ng magkakaibang tuntunin sa ispeling nitong mga nagdaang taon. Nabuo ang maraming varyant o pagkakaiba-iba ng ispeling ng nagpawalang-bisa sa pangkabuuang pambansang pagsisikap para sa kodifikasyon, istandardisasyon, at intelektuwalisasyon ng pambansang wika.

Tugon ang proyektong ito sa problemang ipinaliwanag sa itaas. Pinaniniwalaan na sa yugtong ito, ang malay na intervensiyon para bumuo ng pinag-isang sistema ng ispeling na magtutulay sa mga pagkakaiba-iba at maglulundo sa pinag-isang sistemang nakabatay sa pinag-isipang pagpapasya ay napakahalaga upang simulan and proseso ng istandardisasyon ng sistema ng pagsulat sa Filipino. Nilalayong matamo ang isang efisyenteng sistema ng mga tuntunin sa ispeling na nakabatay sa pinag-isipang desisyon na binuo mula sa mga teoryang pangwika gayundin mula sa mga katuwirang sosyo-politikal at pedagohiko. Dapat ding buuin ang sistemang ito sa pamamagitan ng proseso ng konsultasyon at kolaborasyon na magiging katanggap-tanggap sa mga iskolar at gumagamit ng wika.

Teoretikal na Kaligiran at Konseptuwal na Balangkas

Ang pagpaplanong pangwika ay isang bagong nadedevelop na larangan ng sosyolingguwistiks na umusbong pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa panahong ito, kinilala ng bagong layang mga bansa ang pangangailangang itakwil ang wika ng kanilang mananakop bilang lingua franca at sa halip ay bumuo ng sarili nilang pambansang wika. Inaasahang ang katutubong wikang ito ay magpapamalay ng diwa ng pagkabansa, magiging daan sa pagtatamo ng pambansang pagkakaisa, at magiging instrumento upang magkaroon ng identidad ang mga Pilipino sa komunidad ng mga nasyon sa buong mundo. Habang may kagyat ng pangangailangang matamo ang mga layunin ng pambansang kaunlaran, kinilala ring ang ganap na develop na wika ay isa sa pinakamabibisang yamang pantao na magagamit para matamo ang mga layuning ito.

Ang implementasyon ng proyektong ito ay bahagi ng kasalukuyang programa sa pagpaplanong pangwika ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang opisyal na institusyong pangpagpaplanong pangwika sa Pilipinas. Kinasasangkutan ang programang ito ng tuwirang intervensiyon sa halip na hintayin ang natural na pagbabago ng wika upang mapadali ang development ng wika sa pamamagitan ng pananaliksik, publikasyon, promosyon at diseminasyon ng mga planong may kaugnayan sa istandardisasyon at modernisasyon ng Filipino.

Mga Proseso ng Istandardisasyon At Intelektuwalisasyon ng Wika

Ano-ano ang mga palatandaan ng isang istandardisado at intelektuwalisadong wika? Anong-anong proseso ang kasangkot para matamo ito?

Ang dalawang batayang proseso sa development at istandardisasyon ng wika ay ang paglilipat ng oral na wika patungo sa nakasulat nitong anyo at ang leksikal na pagpapayaman o pagpapalawak upang matamo ang intertransleytabiliti ng wika sa ibang ganap nang develop na wika ng mundo.

Kapag nakasulat ang wika, ang mga oral na tradisyon at kultura ng isang panlipunang grupo ay naitatala at naisasalin lampas sa mga hangganan ng espasyo at panahon. Sa kabilang banda, namamatay ang wika at naglalaho ang kultura ng mga tagapagsalita nito kapag ang wika ay nanatili sa pasalitang anyo nito. Maliban sa pagrerekord at pagpepreserba ng wika at kultura, lumilikha rin ang pagsulat ng uniformidad at pinababagal nito ang takbo ng pagbabago ng wika. Tungkol sa impluwensiya ng pagsulat sa istandardisasyon ng wika, sinabi ni Ferguson:

Kapag ang pasalitang wika ay nailipat sa nakasulat nitong anyo, naitatatag ang uniformidad ng lingguwistikong estrukturafonolohikal, leksikal at sintaktikong komponent. Naitatala ang wika at naitatatag ang mga norm. Sa katunayan, sa isang yugto ng development ng wika, napaliliit ang dami ng language deviants o paglihis sa wika. Gayundin, ang paggamit ng komon na norm ay nagpapahintulot sa paggamit ng isang kowd sa loob ng isang malawak na kominidad ng mga ispiker.

Kaya, sa isang yugto ng development ng wika, minimithi at natatamo ang uniformidad sa pamamagitan ng pagsulat. Ngunit sa pamamagitan din mismo ng pagsulat, naidaragdag ang isa pang varayti ng wika. Kaya, sa mga huling yugto, maaaring makadevelop ang nakasulat na wika ng mga bagong anyo ng diskurso at varayti. Di-tulad ng pasalitang wika na likas at pabago-bago, ang nakasulat na wika ay higit na kompleks at detalyado. Karaniwang nalilikha ang mas mataas, mas formal na varayti, angkop sa pangsituwasyong konteksto.

Sadyang sa nakasulat na diskurso nalilikha ang formal, akademiko o teknikal na varayti ng wika. Ipinaliwanag pa ni Ferguson ang kapangyarihan ng pagsulat sa pagdevelop ng mas mataas at mas kompleks na mga varayti:

Ang totoo, hindi sinasalamin ng pagsulat ang pagsasalita sa eksaktong paraan; ang pasulat na wika, kadalasan, ay nagdedevelop ng mga katangiang hindi makikita sa katapat na pasalitang wika… Habang regular na isinasagawa ng mga komunidad na gumagamit ng wika ang pagsulat, hindi nila namamalayan na ang ordinaryo, pang-araw-araw na pananalita ay angkop sa gamit na pasulat.

Hindi lamang dinidevelop ng isang istandardisadong sistema ng pagsulat ang wika mismo. Tulad ng ibang inovasyon, may matinding bisa sa kultura at panlipunang organisasyon ang development ng pagsulat. Nakagagawa ito ng mas formal at permanenteng rekord. Napalilitaw at naitatala ang malay na pag-iisip dahil di-gaanong pabago-bago at higit na pinag-isipan ito kaysa oral na pananalita, mas mataas, at mas kompleks.

Isa ring benepisyong dulot ng istandardisasyon ng sistema ng pagsulat ng wika ay ang development ng intertransleytabiliti nito sa ibang ganap nang develop na wika sa mundo. Nagagawang maisalin sa Filipino ang mga nakalimbag na panitikan, siyentifikong ulat na orihinal na nakasulat sa ibang ganap na develop na wika tulad ng Aleman, Pranses, Ruso. Ang leksikal na pagpapalawak sa pamamagitan ng panghihiram na ginagawang permanente ng pasulat na wika ay nagpapahintulot sa wika na saklawin at ipahayag ang mga paksa at konseptong sumasalamin sa patuloy na pag-unlad ng kaalaman. Nangangahulugan din ito na nabibigyang-pagkakataon ang mga gumagamit ng wika na makilahok at mabiyayaan ng mga naturang pag-unlad.

Bunga ng pagpapalawak at pagpapayaman ng leksikon sa pamamagitan ng efisyenteng sistema ng pagsulat, ang wika ay nagagmit upang:

…saklawin ang mga paksa at lumitaw sa iba’t ibang anyo ng diskursong dati ay hindi napaggagamitan nito, kasama na ang di-pampanitikang prosa at pasalitang komunikasyon tulad ng mga panayam, seminar at iba pang profesyonal na talakayan.

Kasabay ng pagpapaunlad sa kakayahan ng wikang magpahayag ng matataas na level na mga konsepto at proseso, pinayayaman din ng pagsulat ang wika sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng iba’t ibang anyo ng nakasulat na diskurso tulad ng mga akdang pampanitikan, di-pampanitikang sanaysay at mga istandardisadong sulatin, kabilang na ang mga sulating pambisnes, legal briefs, at iba pang istandardisadong diskurso na ginagamit sa iba’t ibang profesyon.

Higit sa lahat, ang isang istandardisadong sistema ng pagsulat ay napakahalagang kasangkapan para sa pagdevelop ng pangmadlang literasi sa pamamagitan ng publikasyon ng mga aklat at iba pang nakalimbag na materyales. Pinadadali ng isang ofisyal na sistema ng pagsulat ang pagkatutong bumasa at sumulat. Ang maalam at matalinong mamamayan pa naman ang pundasyon ng isang progresibong modernong lipunan.

Pagdidisenyo ng Efisyenteng Sistema ng Pagsulat

Sa kasaysayan ng sibilisasyon, nadevelop and ilang uri ng sistema ng pagsulat. Halimbawa, ideografik ang sistema ng pagsulat ng mga Intsik, ibig sabihin, ang mga karakter nito ay kumakatawan sa mga ideya o kahulugan. Sa kabilang banda, ang ating sistema ng pagsulat na Latin ay binubuo ng mga alfabetong Romano na kumakatawan sa mga tunog.

Ang isang efisyenteng sistema ng pagsulat ay kinabibilangan ng isang set ng mga simbolo na tinatawag na alfabeto na kumakatawan sa mahahalagang tunog ng wika. Isang huwaran kung ang bilang ng mga simbolo sa alfabeto ay kasindami ng mahahalagang yunit ng tunog, na tinatawag na phonemes o fonema ng wika. Ang mga fonemang ito ay nagpapakilala ng mas malalawak na pagkakaiba-iba ng mga tunog na may katapat na pagkakaiba-iba ng kahulugan sa anumang wika. Halimbawa, ang fonemang /g/ ay iba sa fonemang /t/ kaya magkaiba ang gulay, vegetable, sa tulay, bridge. Gayundin, pinag-iiba ng glottal stop /?/ na fonemiko sa Filipino ang /bata’/ na child, sa /bata/ na gown. Sa Ingles, ang pagbabago sa mga fonema sa [van] ang naghuhudyat ng pagkakaiba ng kahulugan nito sa [pan] o [tan].

Kapag ang bilang ng mahahalagang yunit ng tunog ay tumutugma sa bilang ng mga simbolo sa sistema ng pagsulat, madali ang pagdidisenyo ng alfabeto at napapadali rin ang pagkatutong bumasa at sumulat.

Gayunman, lampas sa lingguwistikong salik, may iba pang salik na isinasaalang-alang sa pagdidisenyo ng sistema ng ispeling. Ang isang pangwikang komunidad ay hindi maaaring manatiling hiwalay sa iba pang lingguwistikong komunidad. Ang mga panlipunang kontak at pagpapalitang pangkultura ay nagbibigay-daan sa mga lingguwistikong inovasyon, natutulak ng pagbabago sa ispeling upang tumanggap ng mga pagbabago sa nakasulat na anyo. Nakaiimpluwensiya rin ang sosyo-kultural, politikal, at pedagohikong salik sa mga desisyong baguhin ang umiiral na sistema ng ispeling.

Iginigiit ni Cochran ng Summer Institute of Linguistics at sumulat ng tesis na "Alphabet Design for Papua New Guinea Languages," kinikilala bilang isa sa pinakakomprehensibong pag-aaral tungkol sa paksa, na kailangang isaalang-alang ng isang mahusay na tagadisenyo ng alfabeto hindi lamang ang fonolohiya ng wika kundi ang edukasyonal, sikolohiko, sosyal, politikal, at ekonomikong konsiderasyon sa pagpili ng mga alternatibo para sa paninimbolo ng mga tunog ng wika. Halimbawa, ang matinding hatak ng etnikong identidad ay maaaring maging batayan sa pagtanggi sa mga alfabetikong simbolo na hinalaw mula sa Ingles at iba pang Kanluraning wika. O ang introduksiyon ng di-fonetikong letra ay maaaring tingnan bilang karagdagang pasanin sa pagkatuto sa dapat sanang maayos at kasiya-siyang pagbasa at pagsulat. Sa kabilang banda, maaari ring maging katanggap-tanggap ang mga alternatibong ito dahil sa mismong mga sosyo-ekonomikong kadahilanan--ang pagtataguyod ng kinakailangang kontak sa mga nasyon sa kanlurang bahagi ng daigdig.

Isa pang lider sa pagpaplano ng wika sa Timog-silangang Asya, si Asnah Haji Omar, ang lingguwist na Malaysian na namuno sa pagdidisenyo ng magkasamang Alfabetong Malaysian-Indonesian, ang nagpapatunay na kailangang lumampas sa mga lingguwistikong batayan at kilalanin ang mga di-lingguwistikong inovasyon o sosyo-politikal na dahilan. Ngunit nagbabala rin siya laban sa paglabag sa mga prinsipyo ng simplisidad, ekonomiya, at praktikalidad sa pagdevelop ng mga bagong disenyo ng alfabeto. Halimbawa, sa pagpapanatili ng isa-sa-isang tumbasan ng mga tunog at simbolo, dapat iwasan ang paglikha ng mga bagong simbolo na nagdudulot ng karagdagang pasanin sa pag-aaral, at sa halip, kumiling sa pagsasama-sama ng mga umiiral at kilala nang mga simbolo upang katawanin ang mga bagong tunog.

Ipininamamalay ng lahat ng ito ang kahalagahan ng higit na pinag-isipang desisyon sa implementasyon ng mga pagbabago sa ispeling, ito man ay sa pagdaragdag ng bagong alfabetikong simbolo upang matamo ang fleksibilidad sa pagtanggap ng mga pagbabago o lingguwistikong inovasyon o, sunod sa prinsipyo ng ekonomiya at simplisidad, panatilihin ang isa-sa-isang tumbasan ng tunog at simbolo. Binabanggit ni Omar ang dalawang batayang prinsipyo:

Dapat katawanin ng isang efisyenteng sistema ng pagsulat ang fonolohikal na sistema ng wika sa pamamagitan ng paggamit ng mga simbolong umiiral na sa sistema ng pagsulat na napili para wa wika. Dagdag pa rito, ang isang efisyenteng sistema ng pagsulat ay kailangang may kakayahang tumanggap ng mga inovasyong nagaganap sa fonolohikal na sistema ng naturang wika.

Ang Sistema ng Pagsulat ng Filipino Laban sa Ingles

Bagaman tila magkataliwas, ang simplisidad at fleksibilidad ng sistema ng pagsulat ay parehong magpapadali sa pagkatutong bumasa. Kung ibabatay sa mga prinsipyo ng simplisidad at ekonomiya, ang isang huwarang sistema ay dapat na buuin ng sapat na mga letrang tumutugma sa bilang ng fonemikong tunog ng wika. Pinadadali ng isa-sa-isang tumbasan ng tunog at simbolo ang pagbabasa sa pamamagitan ng dekowding. Gayundin, ang fleksibilidad sa panghihiram ng malawakang ginagamit na salitang Ingles na taglay ang mga familyar na letra at patern ng ispeling ay nagpapadali rin sa pagbabasa dahil napakikinabangan nito ang international recognizability ng mga hiram na salita at letrang Ingles.

Batay sa dalawang konsiderasyong ito sa pagtatamo ng isang efisyenteng sistema ng ispeling, ang kalakasan ng Filipino, sa taglay nitong orihinal na fonemikong ispeling ay ang simplisidad nito gaya ng masasalamin sa tuntuning "kung ano ang bigkas, siyang sulat." Ngunit sa mismong kalakasang ito ng isa-sa-isang tumbasan ng tunog at simbolo makikita ang kahinaan nito dahil kulang ito sa fleksibilidad upang umangkop sa pangwikang panghihiram at inovasyon.

Sa kaso ng Ingles, sinasalamin ng iregularidad nito sa ispeling ang kahinaan nito, kulang ito sa simplisidad. Ngunit ito rin and nagbibigay kalakasan dito, ang fleksibilidad nito. Sa katunayan, ilan sa mga alfabetikong simbolo nito tulad ng C, X at Q ay hindi kumakatawan ng anumang tunog sa sarili nito kundi nakakatunog ng ibang letra. Ang letrang [c] ay nakakatulad ng letrang [s] at [k] sa pagkatawan ng mga katapat na mga tunog nito. Ngunit, ang malaking bilang ng mga salitang Ingles na may iregular na ispeling na maiuugat sa ibang wika, tulad ng Pranses, Kastila, Amerikano, Indiyan, at iba pa, ay nagpapatunay sa kalakasan nito, ang fleksibilidad ng wikang tumanggap ng mga panghihiram at inovasyon.

Ipinahihiwatig nito na ang pagpapapasok ng mga letrang Ingles sa alfabetong Filipino ay magpapalakas sa fleksibilidad ngunit maaaring pahinain ang simplisidad nito.

Sa kontekstong ito ng pagkakaiba ng Filipino at Ingles, sa pagbubuo ng mga tuntunin sa ispeling na nauukol sa paggamit ng walong bagong letrang karamihan ay hiniram sa Ingles, kailangang matamo ang pinag-isipang balanse upang hindi mawala ang simplisidad, at ang kasama nitong pagkamabisa bilang kasangkapan sa pagbabasa, ng alfabetong Filipino, samantalang natatamo rin ang fleksibilidad. Sa kasong ito, ang mga tuntunin sa ispeling ay dapat na magkaroon ng mga mekanismo para kontrolin at bawasan ang di-mapahihintulutang fleksibilidad.

Pagpapalanong Pangwika Bilang Paglutas ng Suliraning may Kaugnayan sa Wika

Ang disiplina ng applied linguistics, kasama ang isyung ito ng pagdidisenyo ng alfabeto ay kinasasangkutan, sa karamihan, ng paglutas sa mga problemang may kaugnayan sa wika. Ang mga prinsipyo at tuntunin sa ispeling ay produkto ng pagbubuo ng desisyon na nag-uugnay-ugnay ng mga kabatiran mula sa teoretikal na lingguwistikcs at konsidrasyong sosyo-sayko at politikal.

Sentral na isyu sa makabagong pagpaplanong pangwika ang tunggalian sa pagitan ng papel ng wika bilang simbolo ng nasyonal na identidad laban sa papel nito bilang instrumento ng pagkakaunawaan ng mga nasyon at mga tao sa global na komunidad. Halimbawa, bilang pananda ng identidad, binantayan ng mga naunang lider ng kilusan para sa pambansang wika tulad ni Lope K. Santos ang wika laban sa pagpasok ng mga hiram na salita sa sistemang leksikal ng Filipino. Lumikha siya ng mga katutubong salita, kaya lumitaw ang ABAKADA, sa halip na alfabeto, balarila sa halip na gramatika, panitikan sa halip na literatura. Ipinakikita nito na lahat ng usaping may kaugnayan sa wika tulad ng pagreforma sa ispeling ay may kaakibat na matinding emosyonal at afectivong dimensiyon.

Upang mapabawa ang mga pagkiling o pagtutol sa mga programang pangpagpaplanong pangwika, kailangang matamo ang konsensus. Ipinapayo ni Anne Cochran sa tagadisenyo ng alfabeto:

Talakayin (ang mga rekomendasyon).....sa mga lider upang ang mga desisyon ay binubuo ng grupo at hindi ng iisang tao.....idiin ang pangangailangan para sa isang pambansang pagsangkot sa pagdidisenyo ng mga alfabeto.

Mula sa mga aral na matututunan sa mga karanasan ng ibang bansang may napagtagumpayan na sa pagpaplanong pangwika, ang proseso ay dapat na isang kolaboratibong pagpupunyagi ng mga iskolar, linggwistika at praktisyoner sa pag-aaral at paggamit ng wika.

Metodolohiya

Isang hakbang-hakbang at kolaboratibong pamamaraan na binubuo ng mga konsultativong kumperensiya, patambis-pahambing na pagsusuri ng datos, worksyap ng mga teknikal na komite ang inampon para matamo ang layuning makabuo ng pinag-isang sistema ng ispeling sa pamamagitan ng konsensus. Pagtatagpuin ng proseso ang pagkakaiba-iba ng mga tuntunin sa ispeling na dinisenyo ng mga unibersidad na tumangging ipatupad ang ofisyal na Memo. Blg. 87, s. 1987.

Ang kasapian ng pangkat ng proyekto ay kumakatawan sa balanseng pagsasama-sama ng mga teorista, at praktisyoner sa pag-aaral at paggamit ng wika kabilang na ang mga educador ng wika, malikhaing manunulat, manlilimbag na katutubo at di-katutubong nagsasalita ng wikang Filipino.

Ang mga lumahok na institusyon at ang kanilang kinatawan ay ang mga sumusunod:

· De La Salle University--Dr. Teresita Fortunato, Tagapangulo, Departamento ng mga Wikang Filipino

· Philippine Normal Univeristy--Dr. Clemencia Espiritu, Tagapangulo, Departamento ng Filipino

· Sentro ng Wikang Filipino, UP--Dr. Mario Miclat (Dumalo sa Unang Konsultativong Kumperensiya)

· Department of Linguistics, UP--Prop. Ricardo Nolasco

· Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP--Dr. Galileo Zafra, Dr. Jesus Fer Ramos, Dr. Pamela Constantino

· College of Education, UP--Dr. Rosario Alonzo, Dr. Marietta Otero, Dr. Enedina Villegas, Prop. Melanie Donkor

· Komisyon sa Wikang Filipino--Dr. Fely Castillo, Dr. Narciso Matienzo, Ms. Pinky Jane Tenmatay

Ang kolaboratibong prosesong nagsimula sa konseptuwalisasyon at pagdidisenyo ng iskema ng analisis, pangangalap ng datos, revisyon, at formulasyon ng mga tuntunin ay binubuo ng mga sumusunod na yugto:

Unang Yugto—Oryentasyon at Kumperensiya ng Pangangalap ng Datos

A. Konsuweptalisasyon ng iskema ng asesment/analisis ng mga sistema ng ispeling:

Isinagawa ang isang intensivong pagbabasa ng mga kaugnay na literatura para maging batayan ng pagbalangkas ng iskema ng analisis sa pagtatasa ng mga sistema ng pagsulat/alfabetiko sa pamamagitan ng pagsarvey sa aklatan ng mga ulat ng proyekto sa pagpaplanong pangwika ng mga bansang Asean kabilang na ang Malaysia, Indonesia at iba pang bansang Aprikano.

B. Dalawang araw na oryentasyon at konsultativong kumperensiya.

Ang mga kinatawan ng apat na unibersidad ay naglahad ng kani-kanilang sistema ng ispeling kabilang na ang teoretikal na rasyonal ng bawat sistema. Pinalangkas din ang isang plano ng pagkilos.

Ikalawang yugto—Analisis at Asesment ng Datos

A. Gamit ang mga papel tungkol sa “Mga Tuntunin sa Ispeling at ang Batayang Teoretikal na Rasyonal” ng apat na unibersidad, isinagawa ang intensivong analisis upang alamin ang pagiging efisyente ng bawat tuntunin sa ispeling batay sa mga konsiderasyong lingguwistiko, at sosyo-politikal. Tiniyak ang pagkaefisyente ng bawat sistema ng ispeling batay sa mga pamantayan ng ekonomiya o isa-sa-isang tumbasan ng tunog at simbolo at pamantayan ng fleksibilidad at kakayahang tumanggap ng mga inovasyong lingguwistiko. Nabuo ang isang patambis-pahambing na matrix para lagumin ang mga pagkakatulad at pagkakaiba. Nabuo ang unang borador ng “Awtput ng Proyekto: Rekomendasyon ng mga Pangkalatahang Tuntunin para sa Pagbubuo ng Revisyon ng mga Tuntunin sa Ispeling ng Nauukol sa Paggamit ng Walong Dagdag na Letra.”

B. Ang Ikalawang Konsultativong Kumperensiya.

Tinalakay ang Awtput ng Proyekto; itinala ang mga reaksiyon mula sa mga tagadisenyo ng mga orihinal na sistema ng ispeling na inampon ng apat na unibersidad.

Ikatlong Yugto—Mga Worksyap: Pagbalangkas ng Nirevisang mga Tuntunin sa Ispeling

Inorganisa ang dalawang teknikal na komite para sulatin ang Primer: Tanong at Sagot na magpapaliwanag ng rasyonal at pangkalahating prinsipyong pinagbatayan ng nirevisang tuntunin sa ispeling na nauukol sa paggamit ng walong dagdag na letra na alfabeto, at Mga Tiyak na Tuntunin at Patnubay.

Isang serye ng mga worksyap ang ginanap sa apat na sunog-sunod na Linggo ng Hulyo 2001 upang sulatin ang final na dokumento. Isa pang konsultativong kumprensiya ang isinagawa kung saan ang natapos na awtput—ang Primer at Tuntunin sa ispeling ay iniharap sa mga manunulat, at editor ng mga kompanyang tagapaglimbag. Ipinasok sa final na manuskrito ang kanilang mga mungkahi.

Ikaapat na Yugto—Presentasyon at Diseminasyon ng Final na Awtput ng Pananaliksik

Ang Awtput ng Proyekto— Mga Rekomendasyon, Pangkalahatang Prinsipyo, at Tuntunin sa Ispeling

Mga Pangkalahatang Prinsipyo

Bago ilahad ang mga espesipikong tuntunin sa ispeling para sa bawat isa sa walong bagong letra, ipaliliwanag muna ang pangkalahatang prinsipyo na gumagabay sa makro-level. Ilalahad din ang katuwiran ng mga prinsipyong ito kung kinakailangan.

PANGKALAHATANG TUNTUNIN I

Pinaluluwag ang paggamit ng bagong karagdagang walong letrang C, F, J, N, Q, V, X, Z sa pagsulat ng Filipino para isama, hindi lamang ang mga salitang nakapailalim sa tatlong uri na orihinal na binabanggit sa Kautusang Pangkagawaran, gaya ng:

  1. pangngalang pantangi tulad ng pangalan ng tao, lugar, insitusyon, at iba pa;
  2. teknikal na mga terminong hindi madaling maasimileyt sa sistema ng ispeling sa Filipino o hindi madaling baguhin ang ispeling nang hindi nawawala ang kahulugan; at
  3. mga salita mula sa mga etnikong minoryang wika sa Pilipinas na may dala-dalang natatanging pangkulturang kahulugan,

kundi maging ang lahat ng mga hiram na salita anuman ang varayti nito kasama ang pang-araw-araw na wika na nabibilang sa informal o kumbersasyonal na varayti, na naglalaman ng mga salitang gumagamit ng alinman sa walong letra. Ang hiram na salita ay maaaring bahagi ng nakasulat na diskurso na nasasaklaw ng varayting informal, akademikong formal o teknikal, at varayting frozen, literari o rituwalistiko.

Rasyonal

Ang paghihigpit o paglilimita sa paggamit ng walong letra sa tatlong uri ay di-realistiko, kung kaya’t hindi maisasakatuparan. Nababalewala nito ang sosyolingguwistikong konteksto sa Pilipinas Kung saan ang Pilipinong bilingguwal na ispiker na kompetent kapwa sa Filipino at Ingles ay malayang naglilipatlipat sa mga kowd. Sa gayon, nanghihiram siya ng mga salitang Ingles, nang malaya, gumagamit man siya ng kumbersasyonal na varayti o ng formal-akademiko o teknikal na varayti. Nangyayari ang biglaan o sadyang code switching o mixing kapwa sa pagsulat at pagsasalita upang umangkop sa konteksto ng situwasyon ng komunikasyon, bilang tugon sa tanong—sino ang makikipagkomunikasyon kanino, ano, kailan at saan, na nagdidikta ng varayti ng wika, ito man ay formal, informal o teknikal.

Ang sumunod na tanong na pinalutang upang ipahiwatig ang pangangailangang higpitan ang paggamit ng mga bagong hiram na letra ng alfabeto ay—ano ang mangyayari sa libolibong hiram na salita na dati nang binago ang ispeling o umangkop na sa orihinal na sistema ng ispeling sa Filipino?

Bilang tugon sa tanong na ito, binuo ang pangkalahatang tuntuning ito:

PANGKALAHATANG TUNTUNIN II

Ang mga hiram na salitang naglalaman ng alinman sa walong karagdagang letra na nabago na ang ispeling ayon sa orihinal na sistema ng pagsulat sa Filipino at umangkop na sa wika ay dapat na manatili ayon sa pagkakabaybay sa orihinal na alfabetong Filipino at dapat na ituring na lehitimong mga varyant ng ispeling.

Tinatanaw na sa mahigpit na pagtupad sa mga bagong tuntunin sa paglipas ng mga taon, higit na pipiliin ang mga tuntunin sa paggamit ng walong karagdagang hiram na letra at ang mga naunang varyant ng ispeling ay ituturing na makaluma, bibihira, diyalekto, o vulgar.

Gaya nang naipahayag na, ginagamit ang sistema ng ispeling sa paglilipat ng pasalitang wika patungo sa pasulat nitong anyo o para sa pagdedekowd ng nakasulat na wika patungo sa oral na representasyon nito. Sa ibang salita, instrumento ang sistema ng ispeling sa pagpapadali ng proseso ng pagbasa at pagsulat. Upang matiyak ang pagkaefisyente ng sistema ng ispeling sa Filipino, dapat gamitin ang sumusunod na pamantayan.

1. Lingguwistiko

a. Sapat ba ang alfabetikong sistema para katawanin ang lahhat ng mahahalagang tunog?

b. Sumusunod ba ang mga batas sa ispeling sa mga prinsipyo ng ekonomiya, simplisidad at praktikalidad?

2. Maliban sa mga lingguwistikong konsiderasyon, isinasaalang-alang ba ng sistema ng ispeling ang sosyo-kultural, politikal, pedagohiko o pragmatikong mga salik?

Redandant Laban sa Fonemikong Representasyon ng Ingles

Gamit ang pamantayan sa itaas, napansin na mauuri ang walong bagong letra na tinatalakay sa dalawa. Redandant ang mga letrang C, Ñ, Q, X sa paraang hindi kumakatawan ang mga ito sa mga yunit ng tunog sa palatunugang Ingles. Bawat letra ay hindi eksklusibong kumakatawan sa isang tunog sa Ingles, kundi nakakatunog ng isa pang letra o sequence o sunuran ng mga letra. Kaya ang letrang C ay hindi kumakatawan ng isang tunog sa Ingles kundi nakakatulad ng letrang [s] sa pagkatawan sa fonemong /k/ depende sa mga tunog na sumusunod dito. Tingnan ang mga sumusunod na halimbawa:

[c] = /k/

can

cart

cob

cube

[c] = /s/

cent

circle

cedar

civic

Gayundin, ang Kastilang alfabeto na ñ ay hindi eksklusibong kumakatawan ng isang tunog, kundi ng sunuran ng mga tunog, /ny/ gaya sa:

[ñ] = /ny/

pinya

ninyo

canyaw

Tondenya

Ang iba pang letrang walang sound correspondence o katapatang tunog sa fonolohiyang Ingles ay ang mga letrang [Q] at [X]. Ang una, ang letrang [Q] ay kumakatawan sa tunog /k/ or sunuran ng mga tunog /kw/ tulad ng:

[Q] = /k/

quorum

quota

antique

[Q] = /kw/

quartz

quiz

quantum

Gayundin, ang letrang [x] ay hindi eksklusibong kumakatawan sa isang tunog sa Ingles kundi nakikibahagi sa [k] at [s] sa pagkatawan sa sunuran ng mga tunog /ks/ gaya sa:

[x] = /ks/

taxi

box

x-ray

Ang apat na letra sa Ingles na hindi eksklusibong kumakatawan ng tunog sa Ingles kundi nakakatulad ng isang letra o sunuran ng mga letra ay lumalabag sa lingguwistikong prinsipyo ng ekonomiya at simplisidad na nauukol sa isa-sa-isang ugnayan ng tunog at letra. Ipinaliliwanag nito ang tinatawag na iregular na ispeling sa wikang Ingles na naipakitang nakapagpapahirap sa proseso ng dekowding sa pagkatutuong magbasa.

Sa kabilang banda, kinikilala rin ang merito ng paggamit ng mga letrang ito. Ipinakikita rin ng pananaliksik sa sikolingguwistikong kalikasan ng proseso ng pagbabasa na ang proseso ng pagkatutong bumasa ay hindi lamang kinapapalooban ng letra-sa-letra na dekowding ng mga simbolo patungo sa mga tunog. Sa katunayan, maaaring ito ang mas di-efisyente at nakapapagod na proseso ng pagkilala sa salita. Ang pagkilala sa kabuuang viswal na kumfigurasyon ng salita batay sa familyariti sa simbolo na kasangkot sa pagpoproseso ng kahulugan ang maaari pa ngang siyang mas efisyente at epektibong estratehiya ng pagbabasa. Kaya, kapag ang mga redandant na letrang ito ay naging bahagi na ng regular na patern ng ispeling sa Ingles, na sa kasalukuyan ay malawakang ginagamit na pandaigdigang wika, ang tinatawag na international recognizability ng mga ito ay maaaring samantalahin ng mambabasa. Sa mas mataas na level ng pagbabasa tulad ng iskiming at iskaning, ang pagkilala ay hindi isang linyar na proseso. Gamit ang mas mayamang karanasan sa pagpapakahulugan, ang fonolohikal na dekowding ay maaari nang lakdawan.

Pansinin kung paanong ang mayamang karanasan ng mambabasa kasama ng pangkabuuang viswal na kumfigurasyon ng mga sumusonod na salita ay nagsisilbing efisyenteng palatandaan ng kahulugan:

coup d'etat

esprit de corps

pizza pie

x-ray

champagne

niño bonito

habeas corpus

Kaya, para makontrol ang pagpasok ng mga redandant na letra ng ispeling sa Ingles nang hindi binabalewala ang silbi ng mga ito sa pagpapaigting ng international recognizability ng mga salitang Ingles sa mga tekstong Filipino, ang pangkalahatang tuntunin sa ibaba ang dapat sundin:

PANGKALAHATANG TUNTUNIN III

Dapat ng gamitin ang mga letrang C, Ñ, Q, X (bawat isa ay hindi eksklusibong kumakatawan ng isang tunog sa Ingles kundi natutulad ng ibang letra sa pagkatawan ng isang tunog o sunuran ng mga tunog) kapag ang hiram na salita na naglalaman ng letra ay binabaybay nang buo ayon sa orihinal nitong anyo tulad sa X-ray, quo vadis, esprit de corps, niña bonita.

Ang salita ay hinihiram nang buo ayon sa orihinal nitong anyo alinsunod sa mga sumusunod na kondisyon:

  1. Ang salita ay isang pangngalang pantangi-pangalan ng tao, lugar (heograpikal na lokasyon, gusali) o bagay (institusyon, organisasyon);
  2. Ang salita ay teknikal or siyentifiko;
  3. Ang salita ay may natatanging pangkulturang kahulugan (hal. pizza);
  4. Ang salita ay may iregular na ispeling, ibig sabihin gumagamit ng dalawa o higit pang letra na “silent” o hindi ikinakatawan ang kanilang pagbigkas; at
  5. Ang salitang hiniram sa Ingles at iba pang wika ay malaganap na ginagamit sa buong mundo at madaling makilala tulad ng taxi, fax, at iba pa.

PANGKALAHATANG TUNTUNIN IV

Kapag ang salita na naglalaman ng mga letrang C, Ñ, Q, X ay hindi napapailalim sa alinman sa limang kondisyon, ngunit binabago ang ispeling sa Filipino, ang letra ay pinapalitan ng letrang kumakatawan sa tunog; kaya ang C ay ginagawang letrang [S] kapag tunog /s/ at ginagawang letrang [K] kapag tunog /k/.

Mga Tiyak na Tuntunin para sa Bawat Letra

Batay sa mga Pangkalahatang Tuntunin, sumusunod ang ganitong mga tiyak na tuntunin:

Paggamit ng mga Letrang C, Q, Ñ, X

A. Paggamit ng Letrang C

1. Pinananatili ang letrang C anuman ang kinakatawang nitong tunog kung ang salita ay hinihiram nang buo ayon sa orihinal nitong anyo tulad sa cataluña, carbohydrates, coup d’etat.

2. Kung ang hiniram na salita na naglalaman ng letrang C ay binago ang baybay sa Filipino, pinapalitan ang letrang C at nagiging letrang [s] kung ang tunog ay /s/ at nagiging letrang [k] kung ang tunog ay /k/ gaya sa mga sumusunod na halimbawa:

[c] = /s/

ceremony - seremonya

civic - sivik

[c] = /k/

colonize - kolonays

community - komyuniti

B. Paggamit ng Letrang Q

1. Pinananatili ang letrang Q sa mga hiram na salita na laglalaman ng letrang [Q] anuman ang tunog nito kung ang salita ay hinihiram nang buo ayon sa orihinal nitong anyo tulad sa:

quo vadis – quo vadis

porque – porque

quartz - quartz

2. Kung ang hiniram na salita na naglalaman ng letrang q ay binago ang baybay sa Filipino, ang letrang q(u) ay ginagawang letrang /kw/ kung ang tunog ay kw at ginagawang /k/ kung ang tunog ay k tulad sa:

quorom - korum

quota - kota

quintet - kwintet

quartz - kwartz

C. Paggamit ng Letrang Ñ

1. Pinananatili ang letrang /Ñ/ sa mga hiram na salita mula sa Kastila bilang pinaghahanguang wika. Pinaiiral ito sa mga:

(a)pangngalang pantangi tulad sa La Tondeña,

(b)mga salitang may natatanging pangkulturang kahulugan gaya ng piña.

2. Kung ang hiniram na salita na naglalaman ng letrang Ñ ay binago ang baybay sa Filipino, ginagawang ny ang letrang ñ gaya sa:

ninya

banyo

D. Paggamit ng Letrang X

1. Pinanatili ang letrang X anuman ang kinakatawan nitong tunog kung ang salita ay hinihiram nang buo ayon sa orihinal nitong anyo tulad sa:

X-ray,

oxide,

Xavier.

2. Kung ang hiniram na salita na naglalaman ng letrang x ay binago ang baybay sa Filipino, ginagawang /ks/ ang letrang x para katawanin ang tunog nito gaya sa:

taxi - taksi

boxing - boksing

Paggamit ng mga Letrang F, J, V, Z

Di-tulad ng katatalakay na apat na bagong letra na walang kinakatawang tunog sa fonolohiyang Ingles, ang mga sumusunod na tunog na F, J, V, Z ay may fonemikong estado sa Ingles. Bagaman para sa KWF, ang mga ito ay hindi fonema sa Filipino, may ilang naniniwala sa fonemikong estado ng f, v, at z gaya ng ipinakikita ng magkakaibang kahulugan ng fan/pan, bisa/visa, says/sais.

Kaya, ang karagdagang paggamit ng mga letra sa itaas sa pagsulat sa Filipino ay mangangahulugan din ng unti-unting pagdaragdag o pagtanggap ng kanilang kinakatawang tunog sa fonolohiyang Filipino.

Inaasahan ito kapag sinunod ang batas sa panghihiram ng salita na nagtatakda na ang hiniram na salita ay dapat munang bigkasin sa Ingles bago ito isulat sa ortografiyang Filipino.

E. Paggamit ng Letrang F

1. Pinananatili ang letrang f sa mga hiniram na salitang naglalaman ng letrang f kung ang salita ay hiniram nang buo ayon sa orihinal nitong anyo gaya ng fax, Finland.

2. Pinananatili ang letrang f upang katawanin ang tunog na f sa mga salitang binago ang baybay sa Filipino gaya sa:

fiesta - fyesta

affix - afiks

brief - brif

3. Ginagamit ang letrang [f] upang katawanin ang tunog /f/ sa mga salitang binago ang babybay sa Filipino.

photo - foto

cough - kaf

F. Paggamit ng Letrang J

1. Pinananatili ang letrang J sa mga salitang naglalaman ng letrang J kung ang salita ay hiniram nang buo ayon sa orihinal nitong anyo sa:

John

Joseph

juice

2. Ginagamit ang letrang /j/ upang katawanin ang tunog /j/ sa mga salitang binago ang baybay sa Filipino tulad sa:

gem - jem

jacket - jaket

soldier - soljer

G. Paggamit ng Letrang V

1. Pinananatili ang letrang v sa mga salitang naglalaman ng tunog V kung ang salita ay hiniram nang buo ayon sa orihinal nitong anyo:

valium - valium

vitamin - vitamin

Veronica - Veronica

2. Ginagamit ang letrang v upang katawanin ang tunog /v/ kung ang salita ay binago ang baybay sa Filipino:

vacation - vekeyshun

value - valyu

H. Paggamit ng Letrang Z

1. Pinananatili ang letrang Z sa mga hiniram na salita upang katawanin ang tunog /z/ kung ang salita ay hiniram nang buo ayon sa orihinal nitong anyo gaya sa:

zebra - zebra

Zamboanga - Zamboanga

zinc - zinc

2. Pinananatili ang letrang z upang katawanin ang tunog na /z/ sa mga salitang binago ang baybay sa Filipino gaya sa:

zone - zon

cruz - kruz

zoo - zo

3. Ginagamit ang letrang Z upang katawanin ang tunog /z/ sa mga salitang binago ang baybay sa Filipino gaya sa:

xylophone - zaylofon

czar - zar

scissors - sizors

Lalagumin sa Pangkalahatang Batas IV ang mga nailahad na tiyak na tuntunin sa paggamit ng apat na letrang F, J, V, Z.

Pangkalahatang Tuntunin V

Ginagamit ang mga letrang F, J, V, at Z upang katawanin ang mga tunog F, J, V, Z sa mga hiram na salita na binago ang baybay sa Filipino.

Pinananatili ng tuntuning ito ang konsistensi sa paggamit ng mga fonemikong simbolong ito at iniiwasan ang iregular na ispeling para katawanin ang mga kaukulang tunog. Pinatatatag din nito ang kalakasan ng Filipino sa pagtuturo ng pagbabasa na nagmula sa regulariti ng fonemikong alfabeto nito.

Ang mga pangkalahatang prinsipyo sa itaas ay isinalin sa Primer sa mga sesyong pangworksyap samantalang ang mga tiyak na tuntunin sa ispeling ay pinagtibay at ipinahayag muli sa mas operasyonal na paraan sa 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino. And dalawang handbuk na ito ay inaasahang maipalalaganap nang malawakan.

Mga Konklusyon at Mungkahi Para sa Susunod na Pananaliksik

Ngayong halos tapos na ang mga teknikal na aspekto ng proyekto, kailangan nang harapin ang sosyal at sikolohikong dimensiyon nito. Kabilang na rito ang pagtanggap sa patakarang pangwika, at mas tiyak pa rito, ang paggamit ng mga bagong alfabeto sa pagsulat sa Filipino, ang diseminasyon, implementasyon at pagpapatupad nito.

Matatandaang ang orihinal na oryentasyon ng mga lider ng pambansang programang pangwika ay ang paggamit ng wika bilang simbolo ng pambansang kaakuhan. Kaya naman sa pagdidisenyo ng alfabetikong sistema, namayani ang puristikong prinsipyo. Dahil sa oryentasyong ito, ang motibasyon para sa panghihiram ng walong karagdagang letra na halaw mula sa alfabetong Ingles o Kastila na magpapahintulot sa Filipino na mapalawak at mapayaman ang leksikon nito sa pamamagitan nga panghihiram ay itinuring na kalapastanganan ng mga orihinal na lider ng pambansang kilusang pangwika laban sa espiritu ng nasyonalismo.

Ngunit ang puristikong oryentasyong ito ay walang puwang sa pagpaplanong pangwika. Pinaniniwalaan na ang may kabagalang development ng pambansang wika at ang kakulangan nitong harapin ang mga makabagong konsepto at proseso sa iba’t ibang larangan ng kaalaman at disiplina ay maidadhilan sa kakulangan nito ng fleksibilidad para tumanggap ng mga lingguwistikong inovasyon. Sa katunayan, ang umiiral na bilingguwal na patakaran sa edukasyong Pilipino na naglilimita sa paggamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa mga agham panlipunan, samantalang pinaiiral ang paggamit ng Ingles sa mga agham at matematika ay sadyang pag-amin na, sa yugtong ito, may kakulangan sa mekanismong lingguwistiko ang Filipino para harapin ang napakabilis na pandaigdigang pagsulong ng kaalaman.

Ang alfabetikong reforma na ito ay isang mahalagang hakbang sa pagbubukas ng wikang Filipino sa lingguwistikong pagbabago at pagpapayaman. Minimithi ang intertransleytabiliti ng Filipino sa ibang ganap nang maunlad at modernisadong mga wika sa daigdig. Hindi lamang wika ang madedevelop, kasabay na nito ang lipunan at panlipunang estrukturang Pilipino. Sa pamamagitan ng wika, makakapagbahaginan ang mga Pilipino ng siyentifiko at technolohikal na kaunlaran at ng mga kabutihan nito sa ibang tao.

Kailangang isagawa ang palaging rebyu ng 28-letra na alfabetikong sistema upang matiyak ang mga kahinaan nito tulad ng mga di-katiyakan sa ugnayan ng tunog at simbolo, redandansi at mga gap. Kailangang ibatay ang mga patakaran sa mga pinag-isipang desisyon na nakabatay rin naman sa siyentifikong pag-aaral at pananaliksik.

Iminumungkahi na bumalangkas ng makatotohanan at maayos na disenyo ng pananaliksi upang tugunan ang mga sumusunod na problema:

1. Dapat bang ang mga pagbabago sa pagbigkas ng mga salita na ginagamit ayon sa konteksto ay makaimpluwensiya ng kaukulang pagbabago sa ispeling? Hindi ba dapat na ang orihinal na ispeling ng salita, sa pag-iisa nito, ay dapat manatili upang tulungan ang mga mambabasa na makilala ang salit. Pansinin ang mga sumusuno na halimbawa:

pantao = (not pangtao)

pansabong = (not pangsabong)

mamaril = (not mag+baril)

pamatay = (not pang+patay

2. Ano-ano ang angkop na gamit ng gitling, kudlit o tuldik na sinusuportahan ng mga prestihiyong publikasyon, iskolar at manunulat?

3. Ano-anong bantas ang dapat ipakilala sa Filipino para magsilbing fonolohikal na gabay upang suportahan ang buong kahulugan ng pangugusap lampas sa kahulugan ng mga salita?

Marami pang ibang isyu na kailangang harapin sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mahusay na dinisenyong proyekto at pananaliksi. Ang sagot pa naman sa napakahalagang tanong na “Napaplano ba ang wika?” ay isang tiyak na “Oo, napaplano ang wika.”

Biblyograpiya

Cochran, Anne. “Alphabet Design for Papua New Guinea Language.” Master’s Thesis, Papua New Guinea, October 1977.

Constantino, Ernesto A. Ang Ortografi Ng Wikang Filipino, Departamento ng Lingwistiks. Kolehiyo ng Sosyal Sayans at Pilosopiya, U.P., 1996.

Dil, Anwar, (ed). Language Structure and Language Use: Essays by Charles A. Ferguson. Stanford University Press, 1971.

Fishman, Joshua A., Bilingual Education: An International Sociological Perspective. Newbury House, 1976.

Mga Tanong at Sagot (Tungkol sa) Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino. Manila: Komisyon ng Wikang Filipino, 2000.

Omar, Asmah Haji. Language Planning for Unity and Efficiency. Penerbit University Malaya, Kuala Lumbpur, 1979.

Rubin, Joan & Bjorn H. Jernudd (ed). Sociolinguistic Theory and Practice for Developing Nations. An East-West Center Book, University of Hawaii Press, Honolulu, 1971.

Whitely, W.H., (ed) Language Use and Social Change. Published by the International African Institute, Oxford Press, 1971.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home